Umani ng papuri mula sa mga netizen ang isang babaeng guro mula sa Sabtang, Batanes.
Sa viral video, makikita ang master teacher si Carol Baro Figuro, 38-anyos, na walang takot na inakyat ang flagpole sa kanilang paaralan.
Apat na taon nang nagtuturo sa Savidug Elementary School si Teacher Carol.
Aniya, bata pa lamang ay sanay na siyang umakyat sa puno ng niyog, kaya wala na sa kanya ang pag-akyat sa flagpole upang mapalitan ang naputol na lubid rito.
Sa halip na ang mga estudyante pa ang malagay sa panganib, siya na lamang mismo ang gumawa nito para matuloy ang kanilang flag ceremony.
Bukod sa kanyang katapangan, kahanga-hanga rin ang dedikasyon ni Teacher Carol na bumabiyahe ng 14 na kilometro araw-araw para makapagturo.
Sa kanyang social media post, nagpasalamat naman ang guro sa lahat ng humahanga at natutuwa sa kanya, pati na rin sa Panginoon na nagbigay sa kanya ng mga talento upang makatulong sa iba.
Tunay ngang iba ang dedikasyon at katapangan na taglay ng ating mga guro, kaya’t nararapat lamang silang pahalagahan at bigyan ng suporta na sa lahat ng pagkakataon.