Sa halip na estudyante, isang itim na oso ang pumasok sa isang silid-aralan ng gurong si Elaine Salmon mula sa California.
Ayon sa ulat, umalis muna ang guro sa kanyang silid-aralan; ngunit nang bumalik siya rito, nakita niya ang itim na oso na kinakain ang granola bars mula sa emergency earthquake kit ng kanyang klase.
Agad na isinara ni Elaine ang kanyang classroom upang ikulong ang oso, subalit naiwan niya sa loob ang kanyang cellphone.
Nagtungo ang guro sa main office ng paaralan upang tawagan ang kanyang asawang si Ian Sawrey na nagkataong eksperto sa mga oso.
Mabilis na rumesponde si Ian na nagpalabas sa oso. Ligtas naman ang oso at ang mga tao sa paligid. Wala ring nasirang kagamitan sa loob ng silid-aralan, bukod sa earthquake kit na may lamang pagkain.
Hindi na bago sa California at sa ibang bahagi ng mundo ang mga oso at ibang hayop na nanghihimasok sa mga bahay, paaralan, at iba pang establisyemento. Dahil ito sa patuloy na pagwasak ng mga tao sa kanilang natural habitat.
Sa halip na gambalain at sirain ang likas na tirahan ng mga mababangis na hayop, mas mabuting igalang natin ang kanilang teritoryo upang mapanatili ang balanse ng kalikasan at matiyak na rin ang ating kaligtasan.