Malaki ang magiging epekto ng ginawang pagpapatigil ng Philippine Red Cross (PRC) sa pagsasagawa ng testing sa COVID-19 dahil sa malaking pagkakautang sa kanila ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang kapwa inamin ng National Task Force against COVID-19 at ng Philippine Coast Guard (PCG) na siya namang nangangasiwa sa pag-eestima sa mga nagbabalik bansa na OFW’s at ilang mga Pinoy mula sa ibayong dagat.
Ayon kay Testing Czar at Deputy Chief Implementer Vince Dizon, asahan nang bababa ang testing output ng bansa hangga’t hindi napaplantsa ang gusot sa pagitan ng PRC at ng PhilHealth.
Umaasa si Dizon na mareresolba sa lalong madaling panahon ang nasabing usapin lalo’t maraming Pilipino ang tiyak na tatamaan dahil sa pagbagal ng testing capacity ng bansa.
Ayon naman kay Coast Guard Spokesperson Commodore Armand Balilo, magbabalik mano-mano ang lahat ng proseso at hindi na rin maisasalang sa swab test ang mga ofw dahil sa limitado na lamang ang maaari nilang pagdalhan ng mga swab samples para masuri.