Tiniyak ng pamunuan ng Mabuhay Manor Hotel sa Pasay City na gagawin nila ang lahat upang makatulong sa mga otoridad.
Ito’y kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng Pasay City police hinggil sa nangyaring panghoholdap ng apat (4) hanggang limang (5) armadong mga lalaki sa naturang hotel kamakailan.
Ayon kay Superintendent Gene Licud, tagapagsalita ng Pasay City PNP, kanila nang isinama sa imbestigasyon ang guwardiya ng naturang hotel.
Kahina-hinala aniya ang kilos ng nasabing guwardiya nang mangyari ang insidente batay na rin sa kuha rito ng CCTV ng hotel.
Nakitang panay ang text sa bukana ng hotel at palinga-linga ang naturang guwardiya sa mga guest na tila may hinihintay bago mangyari ang insidente.
Nakuha umano ng mga suspek ang tatlongpo’t tatlong libong pisong (P33,000.00) kita ng hotel.
Batay sa kuha ng CCTV, makikita ang panghoholdap ng mga suspek sa mga panauhin sa lobby ng hotel.
Tumakas ang mga suspek, gamit ang itim na Hyundai Starex patungo sa direksyon ng Roxas Boulevard.