Bibigyang pagkilala ng Philippine National Police (PNP) ang security guard na nasawi sa naganap na pamamaril sa Ateneo De Manila University noong nakaraang linggo.
Matatandaang kabilang ang sekyu na kinilalang si Jeneven Bandiala sa mga nasawi dahil sa pagsunod sa kaniyang tungkulin at serbisyo.
Ayon kay PNP director for operations, Pol. Major General Valeriano de Leon, nakikipag-ugnayan na ang Civil Security Group sa pamilya ni Bandiala, para sa paggawad ng Posthumous Award na sumisimbolo bilang medalya ng mabuti at katangi-tanging asal na nagsilbing inspirasyon sa lahat ng Security guards.
Sinabi ni de Leon, na karapat-dapat lang na kilalanin si Bandiala sa kanyang ipinamalas na kabayanihan sa pagprotekta ng mga tao sa loob ng Ateneo Campus, at pagtulong sa PNP na mapigilan ang pagtakas ng salarin.
Matatandaang una na ipinangako ng PNP na kanilang ibibigay ang lahat ng maaaring ibigay na tulong sa pamilya Bandiala kabilang na dito ang pag-uwi ng labi ni Jeneven sa Lopez Jaena, Misamis Occidental.