Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang dalawang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong may international name na Soulik sa layong 1,670 kilometro silangan hilagang silangan ng extreme Luzon.
Habang huling namataan naman ang tropical storm Cimaron sa layong 2,964 kilometro silangan Luzon.
Bagama’t walang direktang epekto sa bansa ang dalawang bagyo, inaasahang palalakasin pa rin nito ang hanging habagat na nakaapekto sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Dahil sa patuloy na pag-iral ng habagat, asahan na ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat sa Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos, Cordillera, Zambales at Bataan.
Makararanas naman ng kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang Metro Manila, nalalabing bahagi ng Gitnang Luzon, Calabarzon, Mindoro at Hilagang Palawan.
Habang asahan naman ang maaliwalas na panahon sa nalalabing bahagi ng Luzon, buong Visayas at Mindanao, maliban na lamang sa mga localized thunderstorms sa hapon o gabi.
—-