Inaasahang magpapatuloy pa rin hanggang weekend ang nararanasang pag-uulan sa malaking bahagi ng Luzon dulot southwest monsoon o hangging habagat na mas pinalalakas pa ng shallow low pressure area sa bahagi ng Taiwan.
Dahil dito, makararanas pa rin ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-uulan ang bahagi ng hilaga, gitna at kanlurang bahagi ng Luzon.
Partikular na rito ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes, Babuyan Group of Islands, Cavite, Batangas, Bataan at Zambales.
Pinag-iingat naman ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, mahina hanggang sa katamtamang lakas ng ulan naman ang mararanasan sa bahagi ng Mimaropa, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Central Luzon at Calabarzon.
Inaasahan namang maaliwalas ang panahon sa bahagi ng Bicol Region, Visayas at Mindanao maliban na lamang sa posibilidad ng kalat-kalat na mahihinang pag-ulan.
Nananatili namang nakataas ang gale warning sa mga karagatang sakop ng Batanes, Calayan, Babuyan Islands, Isabela, La Union, Pangasinan, Bataan at Zambales kung pinagbabawalang maglayag ang mga maliliit na sasakyang pandagat.
—-