Patay ang isang habal-habal rider matapos matabunan ng mga tinibag na limestone o batong apog sa Munisipalidad ng Oslob, Cebu.
Kinilala ang biktima na si Joshua Gumapon Salgareno, 22-anyos na isa ring laborer sa lugar.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, ang mga tinibag na limestone ay gagamitin sana ni Salgareno sa paggawa ng kaniyang bahay pero malakas umano ang ulan bunsod ng bagyong Agaton.
Dito na naganap ang aksidente kung saan, makalipas ang dalawang oras, saka lamang nakuha ang katawan ng biktima mula sa bumagsak na mga bato dahil nahirapan ang mga otoridad sa search and retrieval operation. —sa panulat ni Angelica Doctolero