Patuloy na pinag-i-ingat ng Department of Health ang publiko sa banta omicron subvariant na BQ.1 sa gitna ng inaasahang kaliwa’t kanang christmas party, lalo’t pinayagan na rin ang pagdaraos nito sa mga paaralan.
Una nang inihayag ng DOH na posibleng umabot sa halos 2,300 kada araw ang maitatalang kaso sa bansa sa pagtatapos ng Disyembre.
Ipinaalala naman ni infectious disease expert at vaccine expert panel member Dr. Rontgene Solante na huwag kalilimutang magsuot ng facemask sa indoor at outdoor areas.
Ayon kay Solante, ang pagsusuot ng facemask ang pinaka-mabisa pa ring proteksyon laban sa covid-19.
Hangga’T maaari anya ay iwasang mag-videoke dahil masyadong mataas ang tsansa nang hawaan kapag nagpapasahan ng mikropono.
Pinaiiwas din ang publiko sa pakikipag-kuwentuhan nang malapitan kapag kumakain at mahalagang huwag ipilit lumabas kung may sintomas kahit nakasuot ng mask.
Sa ngayon ay opsyonal na ang pagsusuot ng face mask, na isa sa pinaka-malaking pagbabago sa covid-19 protocols sa bansa.