Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Virgilio Mendez ang pagkakaaresto sa umano’y nasa likod nang pangha-hack sa website ng COMELEC.
Ipinabatid ni Mendez na kagabi nahuli ang nasabing suspek batay na rin sa impormasyong nakalap ng NBI Cybercrime Division.
Sinasabing tumagal ng ilang linggo ang digital at human surveillance na isinagawa ng mga awtoridad bago natunton ang suspected hacker.
COMELEC
Tiniyak naman ng COMELEC na walang magiging epekto sa halalan sa Mayo 9 ang pagkakadakip sa ilang utak sa pang-hahack sa website ng ahensya.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na iba naman kasi yung gagamitin nilang website kung saan ipo-post ang resulta ng bilangan sa halalan.
Ani Bautista, ilan sa features na hinack sa kanilang website ay ang precinct finder section kung saan nachicheck ng mga botante ang mga impormasyon hinggil sa kanilang voting status.
Kumpiyansa si Bautista na walang implikasyon sa seguridad ng automated polls ang pagkakadakip at ang mismong hacking incident.
Samantala, sinabi rin ng COMELEC Chairman na sana ay sumulat na lamang ang nahuling hacker sa kanilang tanggapan upang maaksyunan ito.
Aniya, ang gusto lamang ng hacker ay matiyak ang safety features sa mismong proseso ng botohan, partikular sa paggamit ng vote counting machines na ito ay secured.
Ang pagdakip sa nasabing hacker ay dahil sa pagtutulungan ng National Bureau of Investigation, COMELEC at ng iba pang ahensya ng pamahalaan.
By Judith Larino | Allan Francisco (Patrol 25)