ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang malalimang imbestigasyon sa mga hindi awtorisadong transaksyon sa bangko o hacking ng bank account gayundin ang mga spam text messages na nag-aalok ng mga pekeng trabaho sa mga mobile user.
Naghain ng senate resolusyon si senator gatchalian para dito, giit ni Gatchalian, kailangan ng mas komprehensibong imbestigasyon sa mga isyung ito.
Ito ay para makabuo ng panukalang batas na tutugon sa mga hinaing ng publiko katulad ng paglabag sa kanilang personal na data at masiguro na ang mga bangko, maliliit na establisimyento, at mga regulatory agencies ay nagpapatupad ng sapat na seguridad, pamamahala at mekanismo na tutugon sa mga hinaing ng mga konsyumer.
Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 961, hiniling ni Gatchalian na utusan ang kaukulang komite na imbestigahan ang naturang mga usapin para makagawa ng batas at mapalakas ang mga ligal na basehan sa pagpapatupad ng Data Privacy Act, Cybercrime Prevention Act, New Central Bank Act, at iba pang kaugnay na batas.
Kailangan anyang matiyak na ang mga ahensya ay may mga sapat na kapangyarihan upang masiguro na mapoprotektahan ang mga personal na impormasyon at pera ng publiko, at kung maaari ay maiwasang maulit ang mga ganitong insidente.
Dapat anyang magkaroon ng batas laban sa mga lokal at global organized syndicates na nambibiktima ng mga ordinaryong Pilipino lalo ng overseas Filipino workers at ‘yung mga walang trabaho.
Bago napabalita ang malawakang hacking ng bank accounts ng BDO depositors, ilang indibidwal ang nagsabing nabiktima sila ng mga scammer na nagpadala ng mga spam text message na nag-aalok ng mga trabaho, premyo, o discounted items sa online.