Nanganganib sa 2019 elections ang mga kandidato ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang pahiwatig ng pahayag ni acting Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio na posibleng makita sa boto ng mga tao sa 2019 elections na hindi sila kuntento sa pagyukod na ginagawa ng pamahalaan sa China sa isyu ng West Philippine Sea.
Ginawa ni Carpio ang pahayag sa launching ng librong Rock Solid: How the Philippines Won its Maritime Case against China na sinulat ng beteranong mamamahayag na si Marites Danguilan Vitug.
Ayon kay Carpio, ang dapat gawin ngayon ay pagsikapang pumalo sa 90 porsyento ang mga Pilipino na gustong ipatupad ang arbitration ruling na pumapabor sa Pilipinas.
Sa survey ng Pulse Asia, pitumpu’t tatlong (73) porsyento ng mga Pinoy ang gustong ipatupad ng pamahalaan ang arbitration ruling samantalang walumpu’t isang (81) porsyento naman sa Social Weather Stations o SWS survey ang pumuna sa kawalang aksyon ng pamahalaan sa arbitration ruling.
—-