Pinag-iingat ng ilang TelCo o Telecommunication Companies ang publiko kaugnay sa pagbebenta at paggamit ng mga iligal na signal boosters o repeater, signal blocker at jammers.
Ito’y kasunod ng inilabas na kautusan ng National Telecommunications Commission o NTC sa mga online selling platforms hinggil sa pagbebenta ng mga naturang kagamitan.
Ayon kay Manny Estrada, pinuno ng Technology and Strategy Service Integration ng Globe Telecom, malaki anila ang epekto nito sa operasyon ng lahat ng TelCo tulad ng rescue operations tuwing may sakuna gayundin ang paghahatid ng resulta ng botohan lalo pa’t papalapit na rin ang halalan.
Dagdag pa ni Estrada, ang iligal na paggamit ng mga signal booster, repeater, signal blocker at jammers ay nagiging sanhi ng pagbagal o di kaya ay pagkawala ng koneksyon, pagkakaroon ng dropped calls at pagbaba ng kalidad ng voice calls sa tuwing gumagamit ng mobile phones.