Naniniwala si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel na dapat munang hintayin kung ano ang magiging hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte oras na matapos na ang umiiral na martial law sa Mindanao.
Iginiit ito ni Pimentel sa harap ng binitiwang pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hihimukin niya ang Kongreso na paboran ang limang taong martial law extension para mabigyan ng pagkakataon ang Pangulo na tapusin ang problema sa terorismo at rebelyon sa Mindanao.
Ayon kay Pimentel, ang anumang kahilingan para sa pagpapalawig ng batas militar ay magmumula lang sa Pangulo dahil ito ang nagdeklara ng batas militar sa Mindanao.
Sa panig naman ni Senador Francis Escudero, iginiit nito na tanging ang Pangulo ang maaaring humirit ng martial law extension.
Dahil sa may umiiral na parliamentary courtesy, ayaw husgahan ni Escudero kung ano ang motibo ng House Speaker sa pagsusulong ng 5 taong martial law extension.
Ilang mga kongresista pumalag sa panukala ni Alvarez
Pumalag ang ilang mga kongresista sa panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez na palawigin ang idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao hanggang 2022.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate, hindi nakasalalay sa deklarasyon ng martial law ang pagkamit ng tunay na kapayapaan sa Mindanao.
Giit pa ni Zarate, dapat alisin ang martial law at hindi na palawigin pa dahil nagpapakita lamang itong kabiguan at kawalan ng kakayahan ng pamahalaan para malutas ang gulo sa Marawi.
Para naman kay Magdalo Partylist Representative Gary Alejano, ang pagpapalawig ng batas militar hanggang 2022 ay tila pagpapawalang bisa sa itinakdang safeguards ng konstitusyon laban dito.
Meann Tanbio / Krista De Dios | Story from Cely Bueno