Pinaalalahanan ni Labor Sec. Silvestre Bello III na hindi maaring ipasa ng mga private sector employers sa kanilang mga empleyado ang halaga ng bakuna kontra COVID-19 na kanilang bibilhin o aangkatin.
Pahayag ni Bello, hindi pipigilan ng pamahalaan na kumuha ng sarili nilang COVID-19 vaccines ang mga pribadong kumpanya para sa kanilang mga manggagawa ngunit hindi aniya sila pupwedeng maningil ng bayad para dito.
Giit ng kalihim, maliwanag ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pamahalaan ang mananagot sa lahat ng gastos para sa pagpapabakuna ng bawat mamamayan ng bansa.
Base sa isinasaad ng labor advisory no. 3 ng DOLE, na hindi maaring pagbayarin ang sinumang empleyado na pinaturukan ng vaccine ng kanilang kumpanya.
Nakasaad din aniya dito na pwedeng humingi ng suporta ang mga employer sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para sa pagproseso ng kanilang gagawing pag-aangkat ng COVID-19 vaccines.”
Nakasulat din sa kautusang ito na sinumang manggagawa na tatangging magpabakuna ay hindi dapat na makaranas ng anumang diskriminasyon pagdating sa security of tenure, promotion, training, salary, at iba pang benepisyo.