Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang counterpart sa Estados Unidos para matukoy ang pinagmulan ng mga nakikitang palutang-lutang na cocaine sa iba’t ibang karagatan sa bansa.
Sa pagtaya ni PDEA Director General Aaron Aquino, nasa isang bilyong piso na ang kabuuang halaga ng mga narekober na cocaine ngayong taon kasunod ng pagkakatuklas ng mga panibagong bloke sa Davao Oriental at Aurora.
Maliban pa aniya ito sa tatlo punto limang (3.5) bilyong pisong kabuuang halaga ng mga cocaine na nakita nitong 2018.
Sinabi ni Aquino, malaki ang posibilidad na galing Colombia ang mga natagpuang cocaine bagama’t patuloy pa ang kanilang ginagawang assessment.
“Nagkaroon tayo ng impurity drug profiling sa isang cocaine, nanggaling ito sa Matnog Sorsogon noong 2018 ipinadala natin sa Amerika, lumabas nga traditionally Colombian methodology ang pag-manufacture nito, most likely Medellin drug cartel ito hindi lang tayo nakakasigurado pa kaya humingi tayo ng tulong sa USDEA para mabigyan tayo ng tamang assessment at tamang conclusion.” Ani Aquino
Batay din sa obserbasyon ng PDEA, posibleng may katagalan nang nakalutang sa karagatan ang mga nakuhang cocaine sa Dinagat at Siargao Islands habang bago naman ang nakita sa Davao Oriental.
“Dito sa Dinagat at Siargao at iba pang parte meron siyang shell na kumakapit na sa net nung nadiskubre natin, kumbaga sa atin parang tahong na nakakapit na sa net so ibig sabihin may katagalan na itong lumulutang sa dagat, ang assessment namin siguro mga November pa last year ito nasa karagatan at lately lang na-discover, ito namang nakuha natin sa Caraga, Davao Oriental parang bago ang itsura ng net at mga tali.” Dagdag ni Aquino
Ayon kay Aquino, tatlong anggulo ang kasalukuyang iniimbestigahan ng ahensya hinggil sa mga nadidiskubreng “floating cocaine” sa karagatan sa bansa.
“Meron tayong tatlong theory na diyan, una ay ‘yung sinasabi kong transshipment point ang Pilipinas, pangalawa puwedeng diversionary tactics lamang ito ng international syndicates, at pangatlo kusa nilang inilalaglag sa dagat kapag ang smuggler ay na-detect na mahuhuli sila, later on ire-recover din nila ‘yan, hindi lahat nare-recover, so ‘yan ang mga nakukuha natin ngayon.” Ani Aquino
Hindi rin aniya nila isinasantabi ang ideya na hindi ito pangunahing nanggagaling sa bansa dahil hindi naman anya cocaine-consuming country ang Pilipinas.
“Hindi naman tayo cocaine consuming country, ang malapit sa ating bansa na cocaine consuming ay China at Hong Kong ang medyo malayo ng konti ang Australia, so lahat ng discovery ng cocaine ay sa eastern side ng Pilipinas fronting the Pacific Ocean which is ‘yan talaga ang ruta ng big vessels na dumadaan sa atin.” Pahayag ni Aquino
(Contributor: Kim Montano / Balitang Todong Lakas Interview)