Pumapalo sa P18-B ang nalulugi sa bansa sa bawat araw ng lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon ito kay Congresswoman Stella Quimbo, co-chair ng House Defeat COVID-19 Committee Economic Cluster kaya’t mahalagang maipasa na ang isang economic stimulus plan para makaagapay ang ekonomiya ng bansa sa global health crisis.
Sinabi ni Quimbo na hadlang sa muling pagbubukas ng ekonomiya ang liquidity concerns ng mga negosyo at aniya’y fear factor sa mga manggagawa.
Ipinabatid pa ni Quimbo na sa P18-B na lugi, P12.5-B dito ay unearned wages at payroll na sinagot ng non-essential businesses sa kasagsagan ng lockdown at dagdag na P5.5-B pa sa unearned corporate income.
Lumalabas sa survey ng NEDA sa 40,000 respondents, 48.3% ang nawalan ng trabaho o walang sinasahod sa gitna nang pinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ).