Pumalo na sa 19.10 million pesos ang halaga ng pinsala sa agrikultura, na naidulot ng pananalasa ng bagyong Florita.
Inilabas ng Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ng Department of Agriculture (DA-DRRM) ang datos matapos masuri ang kabuuang pinsala ng bagyo sa Cordillera Administrative Region.
Ayon sa DA-DRRM, nasa 1,833 ektarya ng taniman sa CAR at Ilocos ang napinsala ng bagyo, na may production loss na 1,132 at nakaapekto sa 1,286 magsasaka.
Pero sa kabila nito, tiniyak ng DA na hindi nakaapekto ang bagyo sa suplay at pangunahing bilihin sa dalawang rehiyon.
Kahapon, nakalabas ng bansa ang bagyong Florita na puminsala sa maraming lugar sa Luzon noong Miyerkules.