Lumobo na sa P14.6 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa lalawigan ng Ifugao matapos ang flashfloods at mudslides dulot ng Southwest monsoon o Habagat.
Batay sa datos ng Department of Agriculture, halos 700 magsasaka, na may production loss volume na 728 metric tons at halos 200 ektaryang taniman na ang apektado.
Kabilang sa mga pinaka-napuruhan ang mga palayan at high-value crops.
Hinikayat ng DA ang Lokal na Pamahalaan na magbigay ng bigas, mais, gamot, assorted vegetable seeds at livestock at poultry.
Ilalarga rin ng Kagawaran ang Survival and Recovery Program ng Agricultural Credit Policy Council habang bibigyan ang mga magsasaka ng pondo mula sa Philippine Crop Insurance Corporation.
Magkakaloob din ang DA ng Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.