Umabot na sa P51, 398, 517 ang halaga ng nasira ng bagyong Agaton sa agrikultura, sa Easter Visayas, SOCCSKSARGEN at Bangsamoro.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hiwalay pa ito sa P250K halaga ng nasira sa imprastruktura sa Central Visayas at Northern Mindanao.
Nasa 407 insidente ng pagbaha ang naitala sa bansa kasama ang 43 pagguho ng lupa, anim na flash floods, tatlong maritime incident at isang pag-apaw ng ilog.
Nasa 50 kalsada at 6 na tulay pa rin ang hindi madaanan dahil sa bagyo.
Sa ngayon, umakyat na sa 69 siyudad at munisipalidad sa bansa ang wala pa ring kuryente dahil sa bagyo habang tatlong lugar ang may problema sa suplay ng tubig. —sa panulat ni Abby Malanday