Bahagyang lumakas ang halaga ng piso matapos lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Sampung sentimo ang itinaas ng piso matapos maitala ang closing rate sa 50.29 kahapon kumpara sa 50.39 noong Martes.
Ayon kay Market Strategist Jonathan Ravelas, patuloy ang market optimism sa nilagdaang TRAIN Law para mapalakas pa ang foreign exchange market.
Dahil dito, sinabi ni Ravelas na posibleng pumalo na lamang sa P50 ang halaga ng piso kontra sa isang dolyar at hindi mahigit pa rito tulad nang naunang projection.
Mango production
Samantala, apektado naman ng TRAIN law ang produksyon ng mangga.
Ayon ito kay Ricardo Tolentino, tinaguriang ‘Mango King’ at Pangulo ng Mango Growers Association ng Ilocos Norte at Region 1.
Sinabi ni Tolentino na malaki ang epekto ng TRAIN sa agrikultura dahil tataas ang buwis ng ilang produktong petrolyo na pangunahing ginagamit ng mga magsasaka sa kanilang pagtatanim ng mga gulay o pag-aalaga ng mga mangga na kanilang pangunahing produkto.
Partikular aniya nilang ginagamit ang gasolina o krudo para sa mga truck sa pag-delvier ng mga mangga o pag-spray sa mga punong mangga.
Wala aniya silang makitang solusyon sakaling tumaas ang presyo ng mangga.
—-