Lumagpak pa sa P56 per dollar ang halaga ng piso, ang pinaka-mababang lebel nito sa nakalipas na halos 17 taon.
Sa gitna ito ng pinangangambahang recession o paghina ng economic activity kaya’t unti-unting pumapanig ang mga investor sa US dollar na ligtas umano sa global recession.
Nagsara ang palitan ng piso kontra dolyar sa 56.06 kahapon, kumpara sa P55.67 noong Miyerkules.
Ito, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, sa ngayon ang pinaka-malubhang performance ng piso simula noong September 27, 2005 kung saan sumadsad sa 56.29 ang palitan.
Nangangahulugan ito na lumiliit pa ang halaga ng piso o nag-de-depreciate na isang malaking problema para sa Pilipinas, na nalulula na sa imported inflation dulot ng pagsirit ng global energy prices bunsod ng Ukraine-Russia war.