Pinangangambahan ang lalo pang pagbagsak ng halaga ng piso kontra sa dolyar.
Ayon sa mga financial analysts, resulta pa rin ito ng inaasahang pagtaas ng halaga ng dolyar dahil sa mas mataas na interest rates sa ilalim ng papasok na bagong administrasyon ng Amerika.
Sa araw na ito ay nagbukas ng mas malakas ang piso sa 49.13 kontra sa dolyar, bahagyang nakabawi mula sa 49.20 nitong Lunes, ang pinakamababang inabot ng halaga ng piso sa nagdaang walong taon.
Sinabi ng mga financial analysts na kapag lumampas sa 49.50 ang halaga ng piso, hindi malayang lumagapak pa ang halaga nito sa 50 piso kontra dolyar.
Gayunman, malaking bagay anila ang inaasahang paglaki ng dollar remittances ng OFW’s ngayong Kapaskuhan para isalba ang piso.
Oil price rollback
Inilarga na ng mga kumpanya ng langis ang rollback sa mga produktong petrolyo.
Buena manong nagpatupad ng rollback ang Unioil na nagtapyas ng P0.65 sa presyo ng kada litro ng diesel at gasolina, epektibo alas-10:01 kagabi.
Epektibo alas-12:01 kaninang hatinggabi kapwa tinapyasan din ng Seaoil at Flying V ng P0.65 ang presyo ng gasolina at diesel habang P0.55 sa kerosene.
Magkakasabay namang inilarga ng PTT Philippines, Jetti, Phoenix Petroleum at Eastern Petroleum kaninang ala-6:00 ang P0.65 na bawas presyo sa gasolina at diesel gayundin ang Shell Philippines na nagpatupad din ng P0.55 na tapyas sa kerosene.
By Drew Nacino | Len Aguirre