Inihayag ng COA o Commission on Audit ang P3.164 Billion na halaga ng flood control at infrastructure projects ng MMDA o Metropolitan Manila Development Authority na naantala o hindi nakumpleto sa pagtatapos 2020.
Batay sa ulat ng COA, may kabuuang P1.279 Billion na pondo ang MMDA para sa flood control projects habang aabot naman sa P1.885 Billion ang nakalaan para infrastructure projects ang naantala at hindi nakumpleto dahil sa iba’t-ibang rason.
Ilan umano sa mga dahilan ay ang pagkakaantala sa mga procurement activities, mga nakabinbing pagpapalabas ng special allotment release order mula sa budget department.
Kakulangan sa plano gayundin sa koordinasyon ng mga kinauukulang awtoridad at komunidad.
Samantala, sampung infrastracture projects naman umano na nagkakahalaga ng P681 Million ang nahinto dahil sa pagkakaantala sa procurement activities at pagkabigong masunod ang inilatag na timelines.
Siyam na iba pa ring proyekto umano na nagkakahalaga ng P1.2 Billion ang hindi nakumpleto sa itinakdang oras dahil sa kakulangan sa pagpapalano, koordinasyon sa mga kinuukulang ahensya at hindi nagustuhang gawa ng mga contractor.
Bilang tugon, nangako ang MMDA na gagawin ang mga rekomendasyon ng COA para matapos ang mga proyektong nailatag na.