Mananatiling siyento porsiyentong ligtas ang May 9 National at Local Election sa kabila ng umano’y security breach sa system ng service provider nitong smartmatic.
Ito ang tiniyak ni Smartmatic spokesman, Atty. Christopher Ocampo sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms kahapon.
Ayon kay Ocampo, maayos namang pinangangasiwaan at kontrolado ng Commission on Elections ang source code at software ng automated election system.
Nilinaw ng opisyal na magkahiwalay at magkaiba ang server at imprastraktura ng Comelec at Smartmatic.
Hindi naman anya magka-konekta ang server at infrastructure ng poll body sa kanilang server at infrastructure at hindi rin ibinabahagi ng Comelec ang electoral data sa Smartmatic.
Binigyang-diin ni Ocampo na siniguro rin ng Comelec sa publiko na “secured” at walang hacking o penetration sa kanilang system.