Umabot na sa halos sampung libong kilo o 10 toneladang basura ang nakolekta sa pinagsamang underwater at coastal cleanup drive na scubasurero sa Toledo City, Cebu mula nang ito’y ilunsad.
Ngayong araw, muling nagtipon ang mahigit isandaan at limampung volunteers para sa isa pang malawakang paglilinis.
Sama-sama nilang sinuyod ang mababaw at malalim na bahagi ng karagatan sa tañon strait na isa sa mga pangunahing biodiversity corridor sa bansa.
Pinangungunahan ng Therma Visayas Incorporated (TVI), isang subsidiary ng Aboitizpower, ang scubasurero bilang bahagi ng kanilang tungkulin na pangalagaan ang kalikasan sa kanilang host community.
Ayon sa Vice President for Facilities in Visayas ng Aboitiz Power na si Noel Cabahug, kitang-kita ang positibong epekto ng mga clean up drive dahil sa taun-taong pagbaba ng dami ng basurang kanilang nakokolekta.
Patunay aniya ito na unti-unti nang natutupad ng programa ang layuning maalis ang mga basurang nagdudulot ng panganib sa yamang dagat.
Nagsimula ang scubasurero noong 2022 nang may ilang diving enthusiasts mula sa TVI na nakadiskubre ng ibat ibang basura tulad ng plastic waste na nakakalat sa seabed at ocean floor na nakapalibot sa kanilang planta.