Tinatayang 100 bilyong piso umanong pork barrel fund ang paghahatian ng mga senador at kongresista ngayong taon.
Ito’y kung hindi diringgin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apela ni Senador Ping Lacson na tapyasan o i-veto ang umano’y pork barrel sa panukalang 3.7 trillion peso 2019 national budget.
Makikita ang sinasabing “pork” insertions sa isang matrix ng realignments ng mataas at mababang kapulungan ng Kongreso at kanilang Bicameral Conference Committee na ibinigay sa media ni House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya.
Nakasaad sa matrix na aabot sa 23.9 billion pesos ang insertions ng mga kongresista, 49.6 billion pesos sa mga senador habang 25.2 billion pesos sa bicam o kabuuang 98.7 billion pesos.
Kung hahatiin, 62.2 billion pesos ang mapupunta sa mga senador habang 36.5 billion pesos sa mga kongresista.
Magugunitang idineklarang labag sa batas ng Korte Suprema noong November 2013 ang congressional pork barrel na kilala bilang Priority Development Assistance Fund o PDAF.