Halos isandaang small-scale miners ang pinangangambahang nalibing sa landslide sa Itogon, Benguet sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ompong.
Ayon kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, na-trap ang mga minero sa isang bunkhouse ng dating Benguet Corporation na nasa paanan ng bundok.
Nasa tatlumpung (30) bangkay na aniya ang narekober ng mga rescuer mula sa natabunang bunkhouse.
Nagpapatuloy ang search at rescue operations ng mga awtoridad sa pag-asang makuhang buhay ang mga na-trap na minero.
‘Ompong’ death toll
Sumampa na sa limampu’t siyam (59) ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng bagyong Ompong.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council at Office of Civil Defense Chief Ricardo Jalad, nasa limampu (50) pa ang nawawala sa Northeran Luzon na matinding hinagupit ng bagyo.
Pawang mga biktima anya ng landslides ang naitalang casualties lalo sa Cordillera Administrative Region o CAR.
Tinaya naman ni Jalad sa 128,000 pamilya na ang apektado ng kalamidad sa Regions 1, 2, 3, CAR, National Capital Region, Calabarzon at Mimaropa.
Sa naturang bilang, halos 52,000 pamilya ang nananatili sa 1,900 evacuation centers.
—-