Aabot sa halos 1,000 katao ang inilikas dahil sa bagyong ‘Jolina’.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Romina Marasigan, 253 pamilya ang nanunuluyan ngayon sa 25 evacuation centers.
Nasa 549 na pamilya naman ang apektado mula sa 30 barangay sa Regions 2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Samantala, inihayag ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council na wala silang naitalang nasugatan o namatay sa mga apektadong lugar sa hilagang bahagi ng Luzon dahil sa bagyong ‘Jolina’.
Bukod sa zero casualty, iniulat ni NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan na balik-operasyon na ang mga pantalan, paliparan at mga bus terminal na pansamantalang nagsuspinde ng kanilang operasyon dahil sa sama ng panahon.
Sa kabila nito, nananatili pa rin sa red alert status ang NDRRMC, maging ang kanilang regional operation centers habang hindi pa tuluyang nakalalabas ng Philippine area of Responsibility (PAR) ang bagyo.