Humigit kumulang 10,000 bilanggo ang pinalaya sa bansa bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga bilangguan sa Pilipinas.
Ayon kay Associate Supreme Court Justice Mario Victor Leonen, mayroon nang ibinabang direktiba ang SC sa lahat ng lower courts upang palayain na ang mga walang kakahayang magpiyansa at naghihintay pa lamang ng court trial hinggil sa kanilang mga kaso.
Batid aniya ng korte ang pagdami at pagsisiksikan ng mga preso sa mga piitan kaya’t minabuti muna nilang palayain sa ngayon ang nasa 9,731 na mga inmates.
Matatandaang kamakailan, napaulat ang COVID-19 outbreaks sa ilang overcrowded na mga bilangguan sa bansa, kung saan parehong apektado ang mga preso at mga BJMP personnel.
Mahalaga ang social distancing laban sa COVID-19, ngunit imposible ito para sa mga piitan sa bansa na lampas na sa maximum ang laman ng isang selda.