Umaasa ang sangay ng hudikatura na mas marami pang mga preso ang mapalalaya kasunod na rin ng kautusan ng Korte Suprema na bawasan ang piyansa para sa mga mahihirap na bilanggo.
Ito’y ayon kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta ay upang makatulong na rin sa pagbabawas ng populasyon sa mga kulungan sa bansa bunsod na rin ng epekto ng COVID-19.
Batay sa datos ng high tribunal, umabot na sa halos 10,000 bilanggo ang kanilang napalaya sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) mula Marso 17 hanggang Abril 29.
Mahigit 2,000 sa mga ito ayon sa SC ay nagmula sa National Capital Region (NCR), nasa mahigit 4,600 naman ang mula sa Luzon, halos 2,000 sa Mindanao habang mahigit 1,000 naman sa Visayas.
Sa ilalim ng kautusan ni Chief Justice Peralta, pinabababaan nito ang piyansa sa mga persons’ deprived of liberty (PDL) na nililitis sa mga kasong may kaparusahang pagkakakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang 20 taon sa panahon ng public health emergency basta’t isasailalim ito sa kustodiya ng sinuman.
Sa mga bilanggong may parusang kulong ng anim na buwan pababa, maaari na itong palayain nang hindi na kailangan pang isailalim sa kostudiya ng sinuman.
Habang hindi naman sakop ng nasabing kautusan ang mga bilanggo na nahatulan na dahil sa mga kinaharap nilang kaso.