Hindi bababa sa labing apat (14) ang sugatan matapos magka-aberya ang elevator ng isang gusali sa bahagi ng Ayala Avenue sa Makati City.
Ayon kay Senior Supt. Rogelio Simon, Hepe ng Makati City Police, pasado ala-1:00 kaninang madaling araw nang biglang mag-malfunction ang elevator ng PBCom Tower.
Aniya, mula 52nd floor biglang bumaba ang elevator hanggang 38th floor bago gumana ang emergency break system nito at nag-pahinto-hinto hanggang 12th floor.
Gayunman, bumukas lamang ang pinto nang umabot na ito sa ground floor.
Sinabi ni Simon, agad namang dinala sa ospital ng Makati ang nasa labing apat na sakay ng elevator na nagtamo ng mga minor injuries tulad pagkahilo at pagsusuka.
Kaugnay nito, ipatatawag ng Makati City Police ang property manager at supervisor ng security agency sa PBCom Tower.
Ayon kay Senior Supt. Simon, nahirapan ang kanilang mga imbestigador na kumuha ng impormasyon kaugnay ng nangyaring aksidente matapos umanong hindi sila papasukin sa gusali.
Sinabi ni Simon, kanilang padadalhan ng sulat ang mga kinatawan ng PBCom para matalakay ang pangyayari gayundin ang matiyak na hindi na mauulit pa ang insidente.
—-