Aabot sa 148,000 doses ng COVID-19 vaccine ang nasayang matapos masunog ang isang local health office sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Kinumpirma ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) at Inter-Agency Task Force (IATF) na naganap ang sunog sa tatlong palapag na gusali sa Zamboanga del Sur provincial health office noong linggo ng gabi.
Ang nabanggit na gusali ay ino-okupahan ng iba’t ibang opisina at departamento ng provincial government, na nagsisilbi ring cold chain storage facility para sa mga bakuna na nakalaan para sa buong lalawigan.
Nasa 9,000 doses ng Astrazeneca, 14,400 doses ng Moderna, 88,000 doses ng Pfizer at 36,000 doses ng Sinovac maging sa routine immunization vaccines na nakalaan sa probinsya ang nasunog.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang provincial government habang nakaantabay ang mga ahensya ng gobyerno upang suportahan ang regional at local vaccination operation centers sa Zamboanga Peninsula.
Dahil dito, i-re-reschedule ang pagbabakuna sa provincial at municipal level kaya’t inaasahang mauunsyami rin ang vaccination drive ng Zamboanga LGU sa mga menor de edad. —sa panulat ni Drew Nacino