Halos 19,000 katao na umano ang nasawi habang mahigit 30,000 ang nasugatan sa paghahasik ng karahasan ng Islamic State o IS militant group sa Iraq.
Ayon sa report ng United Nations o UN, nangyari ito sa loob ng halos dalawang taon kung saan bukod sa mga namatay at nasaktan ay mahigit 3 milyon katao rin ang nagsialis sa kanilang mga tahanan.
Giit ng UN, habang tumatagal ay lalong nagdurusa ang mga sibilyan sa Iraq dahil sa sistematiko at malawakang karahasan na kagagawan ng ISIS.
Sinasabing ang UN report ay kinalap ng UN Assistance Mission for Iraq at Office of the High Commissioner for Human Rights mula January 1, 2014 hanggang October 31, 2015.
Dahil dito, muling nanawagan ang UN sa lahat ng nasasangkot sa giyera sa Iraq na tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
By Jelbert Perdez