Halos dalawang libong (2,000) puno na kinabibilangan ng narra, molave at ipil ang puputulin para bigyang daan ang MRT o Metro Rail Transit 7.
Ayon kay Asst. Director Sofio Quintana ng DENR-NCR o Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region, maaaring maging sanhi pa ito ng panganib at maging eye sore kung hindi puputulin ang mga malalaking puno na nasa daraanan ng MRT-7 project.
Sa mahigit isanlibo walong daang (1,800) punong-kahoy, mahigit sa isanlibo dalawandaan (1,200) dito ang puputulin, mahigit animnaraan (600) ang bubunutin hanggang ugat upang ilipat sa ibang lugar samantalang mahigit sa dalawampu (20) ang puputulan lamang.
Kabilang sa mga puputuling puno na matatagpuan sa kahabaan ng SM North Edsa at Quirino Highway sa San Jose del Monte Bulacan ay mga narra, molave at ipil na itinuturing na endangered tree specie ng DENR.
Sinabi ni Quintana na ang bawat puno na puputulin ay papalitan ng EEI Corporation, ang contractor ng MRT-7 ng limampung (50) seedlings o kabuuang animnapung libong (60,000) seedlings.
Samantala, isandaang (100) seedlings naman ang magiging kapalit sa kapag namatay ang isang puno na inilipat lamang ng lugar.
By Len Aguirre