Pumalo na sa halos 22,800 na indibidwal ang inilikas bunsod ng pananalasa ng bagyong Neneng sa Northern Luzon partikular na sa Lalawigan ng Cagayan.
Ayon sa Task Force Lingkod Cagayan, nasa 22,794 katao o katumbas ng 6,731 pamilya ang apektado ng pagbaha dahil sa nagdaang bagyo.
Sinabi ng ahensya na umabot na sa 86 na barangay mula sa 17 bayan sa naturang lalawigan ang naapektuhan ni bagyong Neneng.
Bukod pa dito, ilan pa sa mga biktima ng kalamidad ay nanatili parin sa ibabaw ng bubong ng kanilang bahay na patuloy na nanawagan ng donasyon, partikular na ng pagkain at malinis na inuming tubig.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng operasyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong pamilya sa nabanggit na lugar.