Nananatili pa rin sa Rizal Memorial Sports Complex ang umaabot pa sa halos 2,000 mga locally stranded individuals (LSI) na naghihintay pa ng mga available na biyahe pauwi ng kanilang mga probinsiya.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, target nilang maihatid ang mga ito sa Zamboanga, Butuan at Davao hanggang sa Huwebes.
Paliwanag ni Año nasa 3,600 mga LSI’s lamang ang unang nagparehistro para sa libreng sakay sa bus at barko pauwi ng probinsiya.
Gayunman, umabot aniya sa 8,000 indibiduwal ang dumagsa sa Rizal Memorial Sports Complex kung saan itinakda ang pagsasaayos ng mga dokumento at pagsasailalim sa test para sa mga LSI’s bagio bumiyahe.
Dagdag ni Año, bago pa man makapagtayo ng karagdagang tents para sa mga dumagsang LSI ay bumuhos na ang ulan dahilan kaya nagsiksikan na lamang ang ito sa loob ng stadium.
Sa pinakahuling tala kahapon, nasa 4,800 mga LSI’s na ang naihatid pauwi ng iba’t-ibang mga probinsiya.
Halos 300 naman ang dinala sa isang housing site sa Bulacan para doon pansamantalang manuluyan habang may umiiral pang moraturium sa mga balik residente ang kanilang mga probinsiya.