Patay ang halos 30 katao matapos malason sa pagkain sa isang kilalang tindahan sa Layyah District sa Pakistan.
Kasunod ito nang pag-amin ng isang empleyado ng Tariq Hotel and Sweet Shop sa aksidenteng pagkakahalo niya ng pesticide sa produkto nilang laddu o uri ng sweets na parang donut.
Sinasabing limang kilo ng laddu ang binili ng isang Umer Hayat sa nasabing sweet shop para sa birthday party ng apo nito at walang isang oras matapos makain ito ay isa isa nang nakaramdam ng sintomas nang pagkalason ang mga biktima.
Si Hayat ay nasa kritikal na kondisyon samantalang patay ang pitong kapatid nito at kanyang dalawang anak sa naturang insidente na iniimbestigahan na ng Punjab Food Authority.
Pansamantalang isinara ang tindahan at hawak na ng pulisya ang may-ari ng bakeshop.
By Judith Larino