Mahigit 12 milyong estudyante mula sa 29,671 na mga paaaralan ang naapektuhan ng bagyong Odette.
Ayon sa Department of Education (DepEd), ang mga apektadong paaralan ay kasalukuyang nagsisilbing evacuation centers o tinamaan ng secondary hazards gaya ng baha, landslide o storm surge.
Batay sa situation report ng kagawaran, naapektuhan ng bagyo ang lahat ng school divisions sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao at CARAGA.
Kaugnay nito, nagsagawa ng emergency meeting ang DepEd kasama ang regional offices at divisions kaugnay sa mga updates, status reports at mga hakbang upang makabangon mula sa pinsalang iniwan ng kalamidad.
Batay pa sa ulat ng ahensya, 674 mga paaralan ang ginagamit ngayon bilang evacuation centers.
Tiniyak naman ng DepEd na patuloy ang pagmomonitor nito sa mga epekto ng nagdaang bagyo upang makapagbigay ng kinakailangang suporta sa mga nasalantang lugar.