Halos 300 pamilyang nasalanta ng Bagyong Yolanda noong 2013 ang makikinabang sa bago at permanenteng housing units sa Pope Francis Village sa Leyte.
Nabuo ang Pope Francis Village sa pagtutulungan ng simbahang katolika sa Pilipinas at sa abroad tulad ng Caritas Canada, Canadian Catholic for Development and Peace, CBCP – National Secretariat for Social Action, Archdiocese of Palo, Leyte, Congregation of the Most Holy Redeemer, Urban Poor Associates at ilang mga ahensya ng gobyerno.
Ito ang kauna unahang in city relocation sa Leyte na tinatayang pitong kilometro lamang ang layo sa business district ng Tacloban at accessible sa pampublikong transportasyon.
Sa inagurasyon at pamamahagi ng housing units, sinabi ni Bishop Noel Simard ng Canada na sa kabila ng mga hirap sa pagtatayo ng Pope Francis Village ay nagagalak sila na masaya ang mga pamilya sa kanilang mga bagong tahanan.
Tiniyak naman ni Caritas Philippines Executive Secretary Father Edwin Gariguez na mananatili ang commitment ng simbahang katolika sa pagtulong sa mga biktima ng Bagyong Yolanda.
Halos 188 million pesos ang ginastos sa mahigit 500 housing units, anim na multi purpose classroom, chapel, palengke at waste water treatment and material recovery facilities na inaasahang maku-kumpleto sa Hunyo ng taong ito.