Pumapalo na sa halos 3,000 tambay ang naaresto ng pulisya sa Metro Manila simula nang iutos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang matinding kampanya laban sa mga ito.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, 900 ang lumabag sa curfew, 600 ang nahuling umiinom ng alak sa pampublikong lugar, 400 naman ang naaresto dahil sa paninigarilyo sa kalsada, 600 ang nahuling walang saplot pang itaas na pakalat-kalat, 100 ang dahil sa traffic violations at 100 sa iba pang paglabag sa mga ordinansa.
Ayon kay Albayalde, walang hinuhuli nang dahil lang sa bagansya lalo’t dinecriminalize na ito taong 2012 pa.
Mga lumalabag lang aniya sa lokal na ordinansa ang dinadampot ng mga pulis.
Kasabay nito, tiniyak ni NCRPO Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na walang nilabag na karapatang pantao ang pulisya sa kanilang ginawang pagdakip sa mga tambay sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay Eleazar, matagal nang tumutulong ang mga pulis sa pagsita sa mga tambay at iba pang lumalabag sa mga city ordinances tulad ng pag-iinuman, paninigarilyo o pag-ihi sa pampublikong lugar at mga walang damit pang-itaas.
Guidelines
Kaugnay nito, inamin ng PNP na wala pa silang guidelines kung paano ipatutupad ang utos ng Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga tambay.
Ayon kay Albayalde, bubuo pa lang sila ng guidelines sa pangunguna ng Directorate for Operations at inaasahang matatapos ngayong linggo.
Inatasan na aniya niya ang mga pulis na kolektahin ang mga ordinansa ng lokal na pamahalaan sa kanilang nasasakupan.
Paglilinaw ni Albayalde, hindi dapat dinadampot ng mga pulis ang mga tambay na wala namang nilalabag na ordinansa.
Kahapon, nag-viral ang Facebook post ng isang netizen na dinampot umano ng mga pulis sa Makati habang naghihintay lamang sa kaibigan sa labas ng isang bahay.
Nakapang-alis naman aniya ang suot ng netizen at kanyang mga kaibigan at hindi naman daw sila naninigarilyo o umiinom sa kalsada.
Ikinulong umano sila sa selda pero pinalaya rin makalipas ang ilang oras.
Samantala, pinayuhan ng Malacañang ang mga istambay sa mga lansangan na sumunod na lamang sa batas at manatili na lamang sa bhaay sa halip na magpalaboy-laboy sa daan tuwing gabi.
Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang liwanagin nito na hindi maaaring arestuhin na lamang ng basta-basta ng mga pulis ang sinumang tambay sa daan lalo’t kung wala naman silang ginagawang krimen.
Giit ng kalihim, isang uri ng crime prevention ang naging kautusan ng Pangulo at wala aniya iyong intensyon na mang-aresto ng kahit sino ang mga pulis batay sa kanilang naisin lamang.
Hangad lamang aniya ng Palasyo na mahigpit na ipatupad ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang ordinansa upang matiyak na ligtas mula sa krimen at iba pang mga masasamang elemento ang publiko tuwing dis-oras ng gabi.
Para naman kay dating Commission on Human Rights Chairman o CHR Wilhelm Soriano, bagama’t batid niya ang pinagmumulan ng Pangulo, dapat itong maging hamon sa Pambansang Pulisya kung paano iyon maipatutupad ng walang nilalabag na batas.
Hamon naman ni Senate Committee on Justice Chairman Senator Richard Gordon dapat magdoble kayod ang Pambansang Pulisya at ang lokal na pamahalaan upang gawing produktibo ang mga tambay sa lipunan.
Ayon kay Gordon, maliban aniya sa pagsaway sa mga naglalaboy sa kalsada lalo na’t kung dis-oras ng gabi, kailangan ding maipa-unawa sa publiko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng disiplina.
By Krista de Dios