Nagsimula nang magdagsaan ang mga biyahero sa iba’t ibang pantalan sa mga lalawigan, ilang araw bago ang Undas.
Ayon sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG), nasa 29,822 na ang mga pasahero o outbound passengers na kanilang namomonitor sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
Kaninang 6 a.m., pinakalamaking bahagi sa naturang bilang ng mga pasahero ay mula sa Central Visayas na tinatayang nasa mahigit 9,000; sumunod naman ang mga outbound passengers mula Southern Tagalog na nasa mahigit 5,000.
Nasa 4,478 outbound passengers naman ang naitala ng PCG sa Western Visayas habang 2,746 naman ang mula sa South Eastern Mindanao; 1,893 naman mula Bicol; 2,135 mula sa Northern Mindanao; 1,518 mula Eastern Visayas; at 2,348 mula sa Southern Visayas.
Ayon sa isang pahayag, sinabi ni PCG Commandant Vice Admiral Joel Garcia na kanilang tinututukan ang southern portion ng bansa upang maiwasan ang anumang banta sa bansa na maaaring magdala ng kaguluhan sa paparating na Undas.
Sinusunod din aniya nila ang kanilang direktiba na tiyakin ang seguridad ng lahat ng uri ng transportasyon at mga shipments o padala.
Magugunitang noong Sabado ay nagreklara na ng red alert ang PCG sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.