Umaapela ang pamahalaang panlalawigan ng Eastern Samar sa pambansang pamahalaan ng tulong para sa mga kababayan nilang apektado ng bagyong Urduja.
Ipinabatid sa DWIZ ni Eastern Samar Governor Marcelo Picardal na nasa halos 33,000 pamilya na ang apektado ng mga pagbaha at aabot naman sa halos 14,000 pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation centers.
Ipinabatid din ni Governor Picardal na isa na lamang ang naitala nilang nawawala makaraang masagip na ng mga rescuer ang dalawa sa nakalipas na magdamag.
Dahil dito, sinabi ni Picardal na sarado na rin ang ilan sa mga kalsada sa kanilang lugar dulot ng walang tigil na pag-ulan at tinatayang nasa kalahati na rin ng mga bahay ang baha sa lugar na ngayo’y nasa ilalim ng signal number 2.
“Yes signal number 2 at yung mga relief goods ng mga munisipyo paubos na dahil 2 araw lang yung preparation nila eh pangatlong araw na ngayon, nag-start na kaming mag-augment ng mga relief goods sa mga bayan lalo na yung mga interior municipalities kasi naubos na yung mga stocks nila, meron kaming naka-preposition na goods sa Kapitolyo pero good for 2 days lang ito so nangangailangan kami ng tulong ng national government na magpadala na habang hindi pa gaano kalakas nag bagyo at habang nakakadaan pa sa Southern municipalities, kasi yung sa North hindi na makadaan ang mga sasakyan.” Pahayag ni Picardal
Western Samar
Nakatutok ngayon ang pamahalaang panlalawigan ng Western Samar sa sitwasyon sa kanilang lugar bunsod ng pananalasa ng bagyong Urduja.
Ayon kay Western Samar Governor Ann Tan, aabot sa halos 5,000 pamilya na ang kanilang nailikas mula sa 12 bayan na apektado ng pagbaha.
Inabisuhan na rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang nasa dalawang barangay sa bayan ng Pinabacdao hinggil sa mga posibleng pagguho ng lupa sa lugar bunsod ng walang tigil na pag-ulan.
“Mostly 2nd district yung sa side na binabaha ngayon and we are monitoring Tarangnan kasi may area na nagla-landslide doon.” Pahayag ni Tan
Kasunod nito, sinabi ng gobernador na tinututukan nila ngayon ang bayan San Jose Nibuan dahil sa liblib itong lugar at mahihirapan silang maipasok doon ang tulong na kanilang ipadadala.
(Sapol Interview)