Aabot sa halos 3K motorista ang nasita ng mga Traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ikalawang araw na pagpapatupad ng expanded number coding scheme sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija, mas mataas ito sa bilang na kanilang nasita sa unang araw ng pagpapatupad na umabot sa 1, 588.
Sinabi ni Nebrija na hindi muna nila tiniketan ang mga violators sa halip ay binigyan muna ng warning at pinagsabihan na sundin ang umiiral na Expanded Number Coding Scheme.
Nilinaw naman ni Nebrija na hanggang ngayong araw na lamang ang pagbibigay konsiderasyon ng kanilang ahensya sa mga motorista dahil sisimulan na bukas ang kanilang paghuli sa mga lalabag na pagmumultahin ng P300.
Ang muling pagpapatupad ng Number Coding Scheme ay bilang bahagi ng pagsisimula ng klase sa Agosto a-22.