Umabot na sa halos 5.6 million mahihirap na pamilya sa bansa ang tinukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o “LISTAHANAN.”
Nabatid na noong October 2019 nang simulan ang data collection para LISTAHANAN 3 o 3rd round ng Nationwide Household Assessment sa pamamagitan ng house-to-house interviews.
Nakatakda sana itong makumpleto noong katapusan ng March 2020 pero dahil sa COVID-19 pandemic ay pansamantala itong sinuspinde.
Noong huling kwarter naman ng 2021 nakumpleto ang database ng LISTAHANAN 3.
Magsisilbi namang batayan ang naturang listahanan para sa DSWD, ibang national government agencies, local government units at stakeholders sa pag-target ng mga kwalipikadong benepisyaryo para sa iba’t ibang Social protection services at Poverty reduction programs sa buong bansa.