Halos limandaang (500) residente na lamang ng Marawi City ang nasa loob pa ng lungsod.
Ayon ito kay AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla base na rin sa report ng local officials.
Sinabi sa DWIZ ni Padilla na takot na takot pa ang mga nasabing residente dahil sa bakbakan ng mga sundalo at Maute group.
“Siguro humigit kumulang nasa 500 na lang yan na nasa loob, mga residente po ito na natakot lumabas, lumikas sa pangambang maipit sila sa nangyayaring bakbakan.” Ani Padilla
Samantala, halos tatlong daang (300) sibilyan naman ang nailigtas sa Marawi City.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Padilla matapos ang humanitarian effort ni Government Peace Panel Chair Irene Santiago sa loob ng apat na oras katuwang ang local government units kahapon.
“Ito ay nagbigay daan upang matulungan natin ang 179 na residente na kababayan natin diyan na patuloy na naiipit sa loob ng Marawi, bukod dito earlier in the day kahapon ay may na-rescue tayong 95 katao, kung ating susumahin aabot na ng halos 300 ang natulungan natin at nabigyan ng humanitarian assistance.” Pahayag ni Padilla
Evacuees
Pumapalo na sa mahigit apatnapu’t dalawang libong (42,000) pamilya ang lumikas mula sa Marawi City at sa katabing bayan ng Marantao sa Lanao del Sur.
Ayon kay Director Carlos Padolina ng DSWD o Department of Social Welfare and Development ang mga evacuees ay nakakalat ngayon sa iba’t ibang evacuation centers sa Iligan City at iba pang lugar sa Lanao del Sur gayundin sa Davao hanggang sa Cebu.
Kaugnay nito, tiniyak ni Padolina na tuluy-tuloy ang ayudang ibinibigay ng DSWD sa mga evacuee lalo sa mga pangunahin nilang pangangailangan tulad ng pagkain.
“Tuloy pa po yung aming pagbibigay kasi maliban sa armed conflict na nangyayari sa Mindanao ay meron din pong ilang mga pagbaha kaya yun din ang inaasikaso namin, plano rin po naming na magkaroon ng ilang pagbabago, alam naman po natin na nasa fasting ang ating mga kapatid dahil sa Ramadan, huwag po silang mag-alala dahil ang pagkaing ating ipinamimigay ay halal at ngayon ay nag-iisip rin kami na i-programa rin ang mga pagkain, naghahanap kami ng mga gulay na nasa loob ng food packs.” Pahayag ni Padolina
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas (Interview)
Halos 500 residente nananatili pa rin sa loob ng Marawi City was last modified: June 5th, 2017 by DWIZ 882