Naging matagumpay ang unang taon ng implementasyon ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon kay Social Welfare Spokesperson at Assistant Secretary Irene Dumlao, aabot sa halos limang milyong near-poor Filipinos ang nakinabang sa programa mula January hanggang December 2024.
Inilaan aniya ang pondo ng AKAP sa buong bansa at naabot ng halos lahat ng rehiyon ang higit sa 99% fund obligations, kung saan naitala ang 100% utilization sa regions 2, 11 at 13.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang eligible beneficiaries ng cash assistance na limang libong piso, basta’t pasok ang sinasahod ng pamilya ng mga ito sa poverty threshold at hindi tumatanggap ng anumang ayuda mula sa iba pang programa ng pamahalaan.
Bukod naman sa pera, maari ring makatanggap ang mga benepisyaryo ng medical, funeral at food assistances na direktang ibinibigay sa pamamagitan ng crisis intervention units o sections ng DSWD sa central at field offices at sa pamamagitan ng social welfare and development at satellite offices nito sa buong bansa. - Sa panulat ni Laica Cuevas