Halos 60% lamang o 55.9% ng mga Pilipino respondents sa isinagawang online survey ng University of Santo Tomas (UST) ang nagsabing handa silang magpabakuna kontra COVID-19.
Batay sa survey ng UST-COVAX research team, 23.7 % lamang ng mga respondents ang sumagot ng “definitely yes” o nakatitiyak na magpabakuna oras na maging available na sa bansa ang anti-COVID-19 vaccine.
Habang 32.1% ang nagsabi ng “probably yes” o malamang na papayag pagbakauna.
Samantala, 6.7 % naman ng mga respondents ang sumagot ng “probably no” at 3.5 % ang “definitely no” sa tanong kung handa silang magpaturok ng bakuna kontra COVID-19.
Lumabas din sa kaparehong survey na mayorya ng mga respondents o 75.3% ang mas nagtitiwala sa bakunang likha sa Estados Unidos o Europa.
Umabot naman sa 38.6% ang nagsabing tiwala sila sa bakunang likha ng Russia habang 17.7% naman sa Chinese vaccine.
Isinagawa ang online survey simula Enero 16 hanggang 30 ng kasalukuyang taon sa may 11,651 mga respondents mula sa 17 rehiyon sa Pilipinas.