Aminado ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na halos 70% sa bansa ang walang internet na isa sa mga dahilan kung bakit naaapektuhan ang sim registration.
Ayon kay DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo, sa loob ng 15 araw, mababa pa rin ang bilang ng rehistradong sim card kung saan, mula sa tinatayang 168-M na active sim, mahigit 16-M pa lamang ang mga Pilipinong nagparehistro.
Sinabi ni Lamentillo na plano nilang bisitahin ang mga lugar na may mahinang internet connectivity para sa pagpapatuloy ng rehistrasyon.
Sa kabila nito, iginiit ng opisyal na hindi dapat ika-alarma ang mababang koneksiyon sa internet ng bansa dahil maituturing pa lamang na test period ang dalawang linggong aktibidad.
Dagdag pa ni Lamentillo, na gumagawa na ng hakbang ang pamahalaan, para agad na matugunan ang naturang problema at mapataas ang bilang ng mga registrants.