Nakatakdang i-deactivate ng Commission on Elections (COMELEC) ang halos 700,000 rehistradong Pilipinong botante sa ibang bansa.
Dahil ito sa kabiguang makiisa sa dalawang magkasunod na botohan.
Batay sa datos na inilabas ng Office for Overseas Voting (OFOV) ng poll body, nasa 669,527 rehistradong botante ang posibleng ma-deactivate dahil sa hindi pagboto sa 2019 at 2022 Elections.
Sa nasabing bilang, pinakamarami ang naitala sa Middle East at Africa region na may bilang na 377,139.
Sinundan ito ng Asia at Pacific Region na may 129,535, North at Latin America Region na may 120,705 at 42,148 na botante sa Europe.
Sa ilalim ng Overseas Voting Act of 2013, nakasaad dito na ang sinumang tao na hindi bumoto sa dalawang magkasunod na pambansang halalan ay maaaring i-deactivate ang talaan ng pagpaparehistro.